Thursday, November 14, 2019

CLOSE-OPEN.

Sa normal na pag-aasawa, nagsisimula naman talaga sa pagiging close sa isa't isa. Bibihira (kung meron man) ang nagpapakasal na hindi dumaan sa pagiging mag-ON. Kung gaano man katagal o kadali ang engagement, may closeness na ang dalawang pusong haharap sa altar (o sa huwes atbp.)

Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang closeness depende kung paano ito inalagaan o pinabayaan. Makikilala na ang kabiyak. Malalantad ang mga kahinaan. Minsan nasasabi pang, "ito ba ang aking pinakasalan?"


Magkakaroon ng mga anak. Sa pagdami nila, sa higaan ay pinaglayo kayo ng mga ito na nakikiagaw ng inyong atensyon.

Magkakaroon ng work o business na pagkakakitaan. Magiging abala sa paghabol ng bayarin lalo na sa tuition pag ang mga anak ay nagsimulang mag aral. Ang dating malapit at malagkit na kapit sa isa't isa ay unti unti ng humuhulagpos.

May iba pa ngang di na nagtatabi sa higaan, di pa nagagawang mag-usap man lang. Nasira na ang closeness ng mag-irog na nagsabing, "I DO!" Hindi na close...malamig na sa isat isa.

May isa akong natuklasang paraan upang manatili ang closeness. Maging OPEN ang mag asawa sa isat isa bago man o matagal na ang pagsasama. Huwag itago ang nararamdaman. Buksan ang isipan at sabihin sa kabiyak. Samantalahin ang mga pagkakataong pwede kayong mag-usap; sa hapag kainan, sa higaan, habang kayo ay nasa daan o kung kakailanganin, makipag-appointment!

Umiyak sa kanya kung kailangan. Sabihin ang ikaaayos ng inyong buhay. At kung sa atin siya ay magbukas, buksan din ang pang unawa sa pinagdadaanan ng iyong asawa.

Open your heart at ipaalam ang nararamdaman. Open your mind at maging handa sa pang-unawa.
Naniniwala akong tatatag ang pamilya sa ganitong diwa ng pagsasama.
Pag open kayo sa isat isa, lalalim ang pagiging close ninyo sa isa't isa.

No comments:

Post a Comment